Tuesday, August 13, 2013


Wika Ng Tula 
Danilo C. Diaz

Kung laging malaya,
mapalad ang tula,
Sukat man ay wala, mayroong katugma;
Kahit lumuluha ang mga salita,
Simple man ang diwa,
may hatid na tuwa.

Sa bawat pagsambit kulang man ang titik
Tuwina ang himig, may nais mabatid;
Hahaplos sa dibdib ang lambing ng hilig
Tulad ng pag-awit, may tamis ang tinig.

Hindi man mayapos
pagdamay ay lubos,
Ang mga taludtod, laging may indayog;
Sa pusong napagod isip na malungkot,
Pwedeng maging kumot;
kasiping pagtulog.

Simula at wakas maging sa pamagat
Ang pagkakasulat, bigkas ay may sarap;
Sobra man o salat ang hanap na antas,
Mas palaging hangad damdami’y ilabas.

Sa dulot na aliw
kung hindi man angkin,
Pag-ibig at giliw ay parang kapiling.

Sa mga talata tanging talinghaga,
"salamat, kinatha": ang wika sa madla.

dcd/dodie
12Aug'13

tula Ng Tula (sa Buwan Ng Wika) 
Danilo C. Diaz

Salamat Makata ako ay kinatha
Pinagtugma-tugma ang mga salita:
Aking talinghaga may dulot na tuwa,
Sa munting paghanga hindi balewala.

Pagkadugtong-dugtong, kahit buhol-buhol,
Nagkapatong-patong ang maraming saknong;
Ligaya kong layon, sakaling may maktol
Sa dusa at hamon, maaaring tugon.

Bawat taludturan kung kapos ang bilang,
Ang pagka-salaysay arok ng isipan;
Kahit kulang-kulang o walang tayutay,
Sa nilalarawan, mensahe ay alam.

Pantig ko'y kalahok sa bawat indayog
Lambing din ay sahog na nakakabusog;
Sa hirap at takot, luhang umaagos,
May hatid na yapos, puso'y hinahaplos.

Maigsi, mahaba ang aking talata,
Romansa, madrama, may himig na kanta;
Pag-ibig, pag-asa, kapiling pagbasa,
pikit man ang mata pwedeng maalala.

Aking pagkasulat, ang sukat ay sangkap
Simple lang at payak ang pagkabalangkas;
Simula at wakas maging ang pamagat
Tulad sana'y aklat laging binubuklat.

Sa aking habilin muli ay pansinin,
Ganda ko ay sining huwag lilimutin,
Mas nakakaaliw tuwina'y damahin;
Mayabang bigkasin ang hilig mong giliw.

Binigyan ng buhay salat man sa aral,
aking nilalaman, halaga'y iiwan,
Tula akong alay na iyong minahal,
Diwa ko ay tunay, may-akda ay ikaw.

dcd/dodie
08Aug'13

Sa Linggo Ng Wika

Sa Linggo Ng Wika 
Danilo C. Diaz

Sa linggo ng wika, ano ang salita
May lahing banyaga, busilak ang diwa?
Ang mga salita kung Linggo Ng Wika,
Bulaklak ng dila, ayaw ng banyaga.

Kung ang aking katha, may sukat at tugma
Masdan ma'y malaya walang talinghaga,
Sa mga talata hindi man halata
Bayaning makata nasundan ko kaya?

Sari-saring kiya ang awit at tula
Iba't-ibang diwa, ng tuwa at luksa,
Kani-kanyang gawa, makabago't luma
Halu-halong wika na mutya ay bansa.

Sa Linggo Ng Wika maraming tutula,
Kung ngalan ay wala, papansinin kaya?
Kung mayroong dila, ang sabi ng tula:
"sana ang salita, may sukat at tugma".

dcd/dodie
04Aug'13
Angono Tres-Siete (3/7) Poetry Society

Monday, August 12, 2013

Dahilan Ay Ikaw

"Dahilan Ay Ikaw" (ang Tula ng Tren)
Danilo C. Diaz


Aking kaibigan salamat sa dalaw
sana’y masiyahan ako ay balikan,
Kung may pagkukulang sabihin mo lamang
ligaya kong tunay na ito’y punuan.

Sa bayan at masa malaking tulong na
kahit malayo ka parang kaylapit na,
Ang lahat ay kaya kapag sama-sama
sana magkaisa na bigyang halaga.

Noon kung hintayin di tiyak ang dating
hirap na habulin minsan ay sabit din,
Ngayon ay matulin oras ay di bitin
malamig ang hangin meron pang tanawin.

Habang narito ka aking paalala
ingatan mo sana ako at kasama
Laging mahalaga ligtas ka’t masaya
saan man ang punta ay makarating ka.

Parang namamasyal ang lahat ay tanaw
lalo’t sa ibabaw madalas ang daan,
Nakatayo ka man at walang upuan
iyong kabayaran ay nasulit naman.

Ang lahat nang ito ay utang sa Iyo
kinabukasan ko ay nasa kamay mo,
Tapat na serbisyo ang ibabalik ko ang
ingatan ako lagi ay hiling ko.

Sa iyong pagalis kita’y naihatid
mayroong papalit na sana’y umulit,
Di sana nainis o kaya nainip
sana ay maisip ang muling pagbalik.

Aking nasaksihan iba’t-ibang buhay
mahirap mayaman may saya at lumbay,
"Sana ay magtagal kahit makalawang
malamig kong buhay dahilan ay ikaw”.

dcd/dodie
Ang Tula Ng TREN
2009 Tulaan Sa Tren2
1st Runner-up
(08Aug'13 re-post)